TACLOBAN CITY – Inaasahan na ngayong araw isasailalim sa state of calamity ang buong lungsod ng Tacloban dahil sa pananalasa ng bagyong Ursula.
Ayon kay Tacloban City Vice Mayor Jerry Sambo Yaokasin, may mga kabahayan na nawash out dahil sa malakas na bagyo partikular na sa Brgy. Anibong, Tacloban kung saan hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa mga evacuation centers ang mga pamilyang apektado.
Sa ngayon ay hinihintay na lang ng Sangguniang Panglungsod ang final assessment report ng city disaster risk reduction and management office sa kabuuang pinsalang naidulot ng bagyo sa Tacloban.
Dagdag pa ng nasabing bise alkalde, layunin ng deklarasyon ng state of calamity sa lungsod ay upang maipatupad ang price ceiling at makontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Nabatid na sinasamantala ng ilang negosyante ang panahon ng kalamidad upang taasan ang presyo ng mga bilihin dahil sa taas ng demand.
Layunin din ng pagdedeklara ng state of calamity sa Tacloban na magamit ang quick response fund o calamity fund para sa mga apektado ng nasabing bagyo.