You are here: HomeNews UpdateTop StoriesMalacañang, sinisi sa pork barrel scam expose'

Malacañang, sinisi sa pork barrel scam expose'

By  Posted in Top Stories Monday, 15 July 2013 17:40

Hindi naiwasan ng mga senador na isinasangkot sa kontrobersyal na multi-billion "pork barrel scam" na sumigaw ng pamumulitika at isisi sa Malacañang ang pagkakaladkad ng kanilang pangalan sa umano'y maanomalyang paggamit ng priority development assistance fund (PDAF) o mas kilala sa pork barrel.

 

Kasabay ng pagtanggi na nakinabang sa "ghost pork barrel projects," tahasang sinabi ni Sen. Ramon "Bong" Revilla Jr., na isa itong "demolition job" o pamumulitika matapos lumutang ang Revilla-Marcos tandem sa 2016 presidential elections.

 

"Porke ba may mga nagtutulak sa ating tumakbo sa 2016 ay wawasakin na nila ang aking pangalan?" tanong ni Revilla.

 

Himutok pa ni Revilla, bakit pawang taga-oposisyon lamang ang target ng pamumulitika at bakit hindi aniya busisiin din ang pork barrel ng mga mambabatas na kaalyado ng Malacañang.

 

"I have already been warned by someone in Malacañang that I will be targeted. Eto na yun. This controversy has been engineered by the administration for only one purpose - to demolish the opposition, especially those who enjoy the popular support of our people," wika pa ni Revilla.

 

Nabatid na maliban kina Revilla, dawit din sa iskandalo sina dating Senate President Juan Ponce Enrile, acting Senate President Jinggoy Estrada at Sen. Gringo Honasan na pawang miyembro ng United Nationalist Alliance (UNA) na itinuturing na opposition party.

 

Duda rin si Sen. Bongbong Marcos na bahagi ng pamumulitika ang kinasasangkutang isyu, bagamat handa siyang humarap sa imbestigasyon lalo't wala siyang nakatransaksyon sa JLN Corp., na idinadawit sa P10 billion pork barrel scam.

 

"I am eager to cooperate with any investigation, which will reveal the truth of this matter. I am also exploring the possibility that there may be a political angle to all this in light of the upcoming Presidential elections in 2016," ayon kay Marcos.

 

Umalma na rin si Honasan kasabay ng hamon na patunayan sa korte ang mga akusasyon sa halip na idaan sa "trial by publicity."

 

Sa panig naman ni Enrile, bukas umano siya sa imbestigasyon at wala aniya siyang maalala na katransaksyon sa JLN Corp., ang kompaniyang ginamit para idaan umano ang pera mula sa pork barrel ng mga mambabatas at ilaan sa ghost projects. 

 

Inihain na rin sa Senado ni Sen. Chiz Escudero ang isang resolution na nananawagan na imbestigahan ng Senate blue ribbon committee ang kontrobersiya dahil malaki umano ang epekto nito sa buong bansa at hindi lamang ang mga dawit na mambabatas ang naapektuhan kundi nadadamay din ang lahat ng mga senador at kongresista sa usapin ng pork barrel.

 

Pero ayon kay Sen. Franklin Drilon na napipisil bilang susunod na senate president, mas mainam umanong ipaubaya na lamang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon lalo't kasamahan nila ang nasasangkot sa isyu.

 

Samantala, dumistanya ang Malacañang sa panukala ni Drilon na itigil na ang paglalaan ng PDAF sa mga mambabatas.
 
Binanggit pa ni Drilon na kung hindi ito magagawa, maaari namang limitahan ang pamamahagi nito at ilaan na lamang sa mga pagamutan at mga paaralan.
 
Sinabi ni Communications Group Sec. Sonny Coloma, ipapaubaya na lamang nila ang usapin sa mga mambabatas dahil sila ang nagdedesisyon sa kung papaano hahatiin ang alokasyon ng national budget.
 
Tiniyak naman ng Malacañang na walang sisinuhin sa imbestigasyon ng NBI.
 
Ani Coloma, mainam na bigyan ng pagkakataon ang NBI na gampanan ang kanilang tungkulin at hintayin ang resulta.
 
Read 1458 times Last modified on Monday, 15 July 2013 22:33

Contact Us

  • Address: 2406 Nobel corner Edison Streets, Makati City Philippines
  • Tel: +(632) 843 0116
  • Fax: +(632) 843 0116
  • Email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.