You are here: HomeNews UpdateTop StoriesASEAN 'Code of conduct' tatapusin mid-2017 - DFA

ASEAN 'Code of conduct' tatapusin mid-2017 - DFA

By  Bombo Martin Cabrera-Yu Posted in Top Stories Thursday, 12 January 2017 01:03

Umaasa ang pamahalaan na matatapos ang tinatawag na code of conduct para sa mga bansang nasa Southeast Asia sa kalagitnaan ng taong 2017.

 

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Perfecto Yasay, patuloy ang pakikipagdiskusyon ng Pilipinas sa iba pang bansa kabilang na ang China para sa usapin ng pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea o West Philippine Sea.

 

Ito ay upang matuldukan na ng tuluyan ang nasabing usapin at magkaroon ng matibay na kasunduan ang bawat bansang umaangkin sa nasabing teritoryo.

 

Giit ni Yasay, taong 2002 pa lang ay tinatrabaho na ang code of conduct subalit naaantala ang pagsasapinal dito.

 

Nilinaw din ng kalihim na nakikipagtulungan naman ang China para sa progreso nito.

 

Mababatid na kinatigan noong 2016 ng International Arbitration Court ang Pilipinas sa petisyon na nagsasabing nabibilang ang ilang isla na kinakamkam ng China sa West Philippine Sea para sa ating bansa.

 

Binalewala naman ng China ang naturang ruling ng International Court kung saan nanindigan ito na sila ang tunay na nagmamay-ari nito.

 

Bukod sa China at Pilipinas, kabilang din sa mga nakikipag-agawan ay ang Vietnam, Brunei at Malaysia.

 

Samantala, nakapaloob din daw sa magiging agenda sa isasagawang ASEAN Summit ngayong taon sa bansa ang nasabing isyu.

Read 262 times

Contact Us

  • Address: 2406 Nobel corner Edison Streets, Makati City Philippines
  • Tel: +(632) 843 0116
  • Fax: +(632) 843 0116
  • Email: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.