-- Advertisements --

Nagbawas ng ibinibigay na tubig mula sa Angat Dam ang National Water Resources Board (NWRB) para sa Metro Manila at para sa irigasyon ng mga bukirin. Ginawa ito ng ahensya bilang maagang paghahanda sa inaasahang pagtama ng malakas na El Niño na posibleng tumagal hanggang sa kalagitnaan ng susunod na taon.

Ayon kay NWRB Chief Sevilio David Jr., ibinaba sa 44 hanggang 46 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila ngayong Oktubre mula sa dating 50 hanggang 52 cubic meters per second. Ang tubig naman para sa irigasyon sa mga sakahan ay itinapyas din sa 20 hanggang 25 cubic meters per second mula sa dating 35 cubic meters per second.

Linaw ng NWRB, sapat pa rin ang supply ng tubig sa mga kabahayan sa Metro Manila hanggang sa katapusan ng taon o papasok ang susunod na taon. Dagdag pa ng opisyal, maaari ring kumuha ng karagdagang tubig ang mga water concessionaire mula sa Laguna Lake at sa mga emergency deep well para hindi maramdaman ng publiko ang pagbawas sa alokasyon.

Sa ngayon, nasa normal na antas pa naman na 209 meters ang tubig sa Angat Dam. Gayunpaman, pinalalakas na ng gobyerno ang mga paraan ng pagtitipid tulad ng rainwater harvesting, pag-aayos ng mga tagas sa tubo, at pagbabawas sa paggamit ng tubig sa mga negosyong tulad ng car wash at golf course, kasabay ng utos sa mga opisina ng gobyerno na magbawas ng 10 porsyento sa kanilang pagkonsumo.

Nagpaalala rin ang NWRB sa mga pamilya na mag-ingat sa pag-inom ng tubig mula sa mga deep well dahil sa usapin ng kalidad nito. Samantala, humihiling ang ahensya ng P284.35 milyong badyet para sa taong 2027 upang mas mabantayan ang mga water-stressed areas o mga lugar na kulang sa tubig sa labas ng Metro Manila, tulad ng Mindanao River Basin at ilang bahagi ng Negros Island.