Itinuturing ni Atty. Howard Calleja bilang isang ‘worthy risk’ ang desisyon ng House Prosecution panel na bawiin o iatras ang tatlong impeachment article laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa batikang litigator, bagaman natanggalan ng tatlong alegasyon ang impeachment case vs VP Sara, sapat na aniya ang article ukol sa umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan ng pangalawang pangulo upang tuluyan siyang tanggalin sa pwesto sa pamamagitan ng conviction.
Ang pag-focus ng House panel sa iisang alegasyon, ayon kay Calleja, ay isang sugal na maaari nitong maipanalo.
Itinuturing din ng abogado na tama ang ginawang hakbang ng mga prosecutor upang harangan ang umano’y pagpapatagal pa ng defense team sa pagdinig na maaari pang lumagpas sa kasalukuyang taon.
Matibay aniya at ‘hindi nagsisinungaling’ ang mga documentary evidence na naipresenta ng panel sa unexplained wealth article at tiyak na nakita rin ng mga senator-judge ang halaga ng mga ito.
Tinukoy ng abogado ang mga iprinisentang bank records, insurance records, mga dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue, Anti-Money Laundering Council, at napakaraming testigo.
Tiyak aniyang hindi ito mapapasinungalingan ng sinumang testigo o ebidensiyang ihaharap ng defense team.














