Nanawagan si dating Sen. Jinggoy Estrada na payagan ng Sandiganbayan na ibasura ang kanyang plunder case na may kinalaman sa kontrobersyal na pork barrel scam.
Batay sa 115-pahinang mosyon ni Estrada, iginiit na hindi makatarungan ang kanyang kaso dahil wala naman daw matibay na ebidensyang makapagpapatunay na main plunderer ang isa sa kanilang mga akusado.
“In this case, considering that four persons have been accused of amassing, acquiring and/or accumulating ill-gotten wealth, it would be improbable that the crime charged was plunder if none of them was alleged to be the main plunderer,” ani Estrada.
Inihalimbawa pa nito ang doktrina ng kaso ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kung saan naabswelto ito noong 2006.
Kung maaalala, nahaharap din sa graft case si Estrada matapos umanong magbulsa ng higit P180-milyon nang i-divert daw nito ang kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa pekeng non-government organizations ng negosyante at kapwa akusadong si Janet Lim Napoles.
Nauna ng idiniin ng mga testigong sina Benhur Luy at Marina Sula si Estrada sa reklamo.
Pero depensa ng dating senador bigo ang prosekusyon na patunayang tumanggap siya ng pera gayundin na kwestyonable umano ang huling salaysay ni Luy.
Ito’y sa kabila ng pag-presenta ng mga ito ng ledger kung saan nakasaad ang pagkakasangkot umano ng ilang mambabatas sa PDAF scam.
“Mr. Luy admitted in open court that he has no personal knowledge whether any of these supposed ‘rebates’ actually were delivered to or received by Senator Estrada.”