-- Advertisements --

Bumatikos ang grupong kabataan na Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) sa naging desisyon ni Senator Mark Villar na lumipat sa majority bloc ng Senado, kung saan tinawag nila itong isang tahasang pagbaliktad upang takasan umano ang pampublikong pananagutan sa gitna ng umiinit na impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa SPARK, walang ibang layunin ang pagpapalit ng kulay-pulitika ni Villar kundi ang protektahan ang kaniyang sarili pati na rin ang mga negosyo at interes ng kaniyang pamilya.

Pinaalalahanan ng grupo ang publiko na nagsilbi si Villar bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2016 hanggang 2021 ngunit hindi man lang umano naiimbestigahan, at sa halip ay ginawa pa siyang Chairman ng Senate Committee on Public Works.

Binigyang-diin din ng SPARK na ang pamilya Villar ay isang kilalang political dynasty sa bansa kung saan ang kaniyang mga magulang ay dating mga senador habang ang kaniyang kapatid na si Camille Villar ay kasalukuyan ding nagsisilbi sa Senado.

Dahil dito, nanawagan ang grupo kay Ombudsman Boying Remulla na patunayan ang kalayaan ng kaniyang tanggapan sa pamamagitan ng pag-imbestiga at paghahain ng kaukulang kaso sa mga opisyal nang walang pinapanigan, pampulitika man ang kulay o alyansa ng mga ito.