Naihatid na ng Department of Social Welfare and Development ang aabot sa ₱27-million na halaga ng humanitarian assistance sa mga lugar na labis na naapektuhan ng mga pag-ulang dala ng trough o extension ng Low Pressure Area sa malaking bahagi ng Mindanao.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na kabilang sa mga lugar na kanilang nabigyan ng asistensya ay ang mga barangay sa Davao Region, Soccsksargen, at sa CARAGA.
Batay sa datos, as of February 4, pumalo na sa 300,000 pamilya o higit isang milyong indibidwal ang naapektuhan ng mga pag-ulan sa nasabing mga rehiyon.
Tinatayang aabot na rin sa 21,757 na pamilya o katumbas ng 82,810 na indibidwal ang nadagdag sa datos.
Sila ay kasalukuyang nananatili ngayong sa mga inilaang 324 evacuation centers.
Kung maaalala, nanguna si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa pamamahagi ng ayuda sa mga naapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbaha sa Davao Oriental.