CENTRAL MINDANAO-Dahil sa hagupit ng Bagyong Paeng sa bayan ng Pigcawayan noong October 28, 2022 na nagdulot ng matinding kasiraan sa ari-arian at naging sanhi sa pagkamatay ng ilang mga alagang hayop, maraming residente ang nakakaranas ng matinding takot, pangamba, at pagkabalisa.
Dahil dito, isang Psychosocial First Aid ang isinagawa sa mga apektadong indibidwal sa nasabing bayan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) katuwang ang Southern Philippines Methodist College Incorporated (SPMCI) na pinangunahan ni Dr. Framer Mella, isang Registered Psychologist.
Nagsagawa ang grupo ng mga aktibidades tulad ng coping strategies, mindfulness exercise at emotion releasing exercise sa mga biktima ng bagyo upang ipalabas nila ang kanilang nararamdamang lungkot, stress, takot at pangamba sa nangyaring kalamidad. Sa ganitong paraan matutulungan sila para gumaan ang kanilang pakiramdam.
Bukod sa mga nasalanta ng bagyo, isinagawa din ng grupo ang aktibidad para sa mga health workers ng Rural Health Unit (RHU) ng Pigcawayan.
Laking pasasalamat naman ng kani-kanilang Punong Barangay na sina Kimarayag Brgy. Kapitan Denzil V. Andiason at Poblacion II Brgy. Kapitan Rey M. Necor sa pamahalaang panlalawigan at sa grupo ng SPMCI sa tulong na kanilang binigay para sa kanilang nasasakupan.
Ang nasabing aktibidad ay ginawa sa mga biktima ng Bagyong Paeng na nasa Purok Paghidaet, Campo 1, Brgy. Kimarayag, Poblacion 2 at mga health workers ng RHU ng bayan ng Pigcawayan nitong araw ng Huwebes November 17, 2022. Ito ay batay na rin sa direktiba ni Governor Emmylou “Lala” J. TaliΓ±o-Mendoza na mabigyan ng agarang aksyon ang mga pangngailangan ng mga biktima ng nasabing kalamidad.