CENTRAL MINDANAO-Mas pinaiigting ngayon ni Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista ang seguridad ng lungsod laban sa mga masasamang loob upang pigilan ang anumang kawalanghiyaan na maaring gawin ng mga ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga mobile CCTV sa mga checkpoints at mga ma-stratehiyang lugar. Mismong si PLtCol Peter Pinalgan, Jr Chief Of Police ng Kidapawan City Police Station ang namahala sa installation ng naturang mga kagamitan.
Ang mga mobile CCTV cameras ay may kakayahang mag imbak ng sobrang malinaw na mga larawan at ultra high definition na mga footage sa loob ng maraming linggo. Makukunan nito ng larawan at CCTV footage ang mga dumadaan sa mga Task Group Kidapawan check points sa Methodist Church, Pinantao, Paco at Kalaisan. Solar-powered ito at may sariling baterya kaya hindi kailangan ng linya ng kuryente. Ito rin ay ma-monitor ng mga opisyal ng lungsod sa kanilang mga smart phone kahit saan mang bahagi ng bansa sila nanduon.
Isang halimbawa nito ay ang malinaw na pakakuha ng pagkilanlan ng isang magnanakaw sa isang pamilihan sa lungsod kamakailan.
Nanawagan naman ang City Government sa publiko na makiisa sa mga hakbang na ito ng LGU upang lalo pang maprotektahan ang taong bayan laban sa mga may hangaring gumawa ng krimen dito. Sa pamamagitan ng kooperasyon at walang pagdadalawang isip ng bawat mamamayan na sumailim sa mga pagsisiyasat at CCTV documentation ay mas lalong liliit ang tsansa ng mga kriminal na isagawa ang kanilang mga masamang binabalak dito sa Lungsod ng Kidapawan.