CENTRAL MINDANAO-Bilang pakikiisa sa nasyunal na selebrasyon ng Oral Health Month ngayong Pebrero, nagsagawa ang pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliรฑo-Mendoza ng oral health campaign sa iba’t ibang komunidad sa probinsiya.
Bago pa man ang regional kick off nito na idinaos sa bayan ng Magpet noong ika-10 ng Pebrero kung saan 50 “buntis kits” ang naipamigay at 50 day care pupils ang nakatanggap ng oral health kits, sinimulan na sa probinsiya ng Cotabato ang pagbisita sa kabarangayan at pagsagawa ng serye ng kahalintulad na oral health activities para sa buntis at day care pupils noong ika-2 ng Pebrero hanggang nitong Biyernes, ika-17 ng Pebrero.
Sa naturang mga aktibidad, 343 ang kabuoang bilang ng mga benepisyaryo sa nasabing programa na pinangunahan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO).
131 sa nabanggit na bilang ay mga buntis na maliban sa kits ay nabigyan rin ng orientasyon hinggil sa wastong nutrisyon, family planning, at binigyan ng libreng syphilis at Hepa B tests upang masiguro ang kaligtasan ng mga ito at ng dinadalang sanggol.
Samantala, 212 na mga day care pupils naman ang tinuruan ng wastong paraan ng pagsipilyo ng ngipin at iba pang kaalaman hinggil sa pangangalaga ng ngipin, sumailalim sa oral exam, at nakatanggap ng flouride varnish.
Ang mapapalad na mga benepisyaryo ay nagmula sa mga bayan ng Alamada, Mlang, Midsayap, Pres. Roxas, Pigcawayan, Libungan, at Makilala Cotabato.