-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isang rubber stakeholders meeting ang ipinatawag ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliรฑo Mendoza na ginanap sa Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City.

Sa pagpupulong ay tinalakay ng mga stakeholders kasama ang ilang eksperto ang rubber “Pestaloptiopsis” leaf fall disease

na pinangangambahan ngayon ng mga rubber farmers sa lalawigan.

Naging sentro din ng diskusyon ang paglalatag ng komprehensibong plano upang mapigilan ang pagpasok ng nasabing sakit na isa sa tinututukan ngayon ng pamunuan ni Gov. Mendoza.

Ayon sa pag-aaral, ang Pestaloptiopsis ay isang fungal disease na nagdudulot ng pagkalaglag o pagkalagas ng dahon na maaring magresulta sa pagbaba ng dagta ng goma o produksyon.

Ito ay nakakahawa sa pamamagitan ng hangin at maaaring makaapekto hindi lamang sa puno ng rubber kundi sa iba pang klase ng halaman.

Batay sa presentasyon ni Senior Science Research Specialist Dr. Jill D. Villanueva ng Philippine Rubber Research Institute (PRRI), kasalukuyang nanalanta sa taniman ng goma sa Basilan ang nasabing sakit at ayon sa ulat abot sa 800 ektarya ng rubber plantation ang apektado sa nasabing probinsya.

Ilan sa mga rekomendasyong nailatag ng mga eksperto sa pangunguna ni SOCCSKSARGEN Agriculture Aquatic and Natural Resources Research and Development Consortium (SOXAARRDEC) Director Josephine R. Megalbin sa nasabing pagpupulong ay ang sumusunod:

-Pagbabawal sa pagpasok ng mga rubber planting materials mula sa mga apektadong lugar at pag disinfect sa mga rubber unprocessed products.

-Pagpapatibay ng mabuting gawi sa pagsasaka gaya ng paglililinis sa mga sakahan, regular na pag-aabono at iba pa.

-Pagsasagawa ng trainings, seminar at information campaign sa mga bayan at barangay upang mapalawak ang kaalaman ng mga rubber farmers hinggil sa nasabing sakit.

-Pagsasagawa ng regular na surveillance at monitoring.

-At pagbuo ng Task Force Goma na siyang tututok sa nasabing suliranin.

Suportado naman ng ina ng lalawigan ang nasabing mga rekomendasyon at nanawagan sa mamamayan ng lalawigan na tulungan ang pamahalaang panlalawigan sa pagsisikap nito na maprotektahan ang sektor ng magsasaka sa probinsya.

Sa ngayon ay naghahanda na ang kawani ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) sa paggawa ng prevention action plan na magiging batayan sa pagbuo ng executive order na lalagdaan ni Governor Mendoza na nakabatay sa rekomendasyong inilatag ng rubber stakeholders sa isinagawang pagpupulong.

Dumalo din sa pagpupulong si Board Member Jonathan Tabara, USM Professor Jamie C. Solpot, Research and Development Coordinator Dr. Jurmahid C. Imlan, National Banner Program Committee-High Value Chairperson on Rubber (NBPC-HVC) Jack Sandique, Provincial Legal Officer Atty. John Haye Deluvio, Acting Provincial Agriculturist Remedios Hernandez at OPag Managing Consultants Amalia J. Datukan at Eliseo Mangliwan.