-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isinagawa ang kauna-unahang pagpupulong ng mga Indigenous People Mandatory Representatives (IPMRs) sa buong probinsya ng Cotabato.

Ito ay ginanap sa Provincial Capitol Gymnasium na dinaluhan ng 175 provincial, municipal at barangay IPMRs mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya na pinangunahan ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato katuwang ang National Commission on Indigenous People (NCIP)- Cotabato Provincial Office.

Layunin ng pagpupulong na talakayin ang pagbuo ng kauna-unahang liga ng mga Indigenous Peoples Mandatory Representatives (IPMR) sa probinsya na makakatulong upang matugunan ang pangangailangan ng mga katutubo ng lalawigan na isa sa prayoridad na programa ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliรฑo Mendoza.

Natalakay sa pagpupulong ang Powers, Duties and Responsibilities ng mga IPMRs/IPs at ang pormulasyon ng Constitution at By Laws ng bubuuing liga.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni NCIP Provincial Officer Macapantao R. Manamba ang pamunuan ni Governor Mendoza sa patuloy na pagsuporta nito sa mga programa para sa indigenous people.

Binigyang diin din nito na ang nasabing liga ay magiging daan upang mabigyan ng dagdag na kaalaman ang IPs hinggil sa paggawa ng mga resolusyon at maturuan ang mga ito kung paano ang wastong pamamalakad ng isang organisasyon.

Dumalo sa aktibidad sina DILG LGOO V Helen Grace De Justo-Sayon, Provincial IPMR Arsenio Ampalid, NCIP Provincial Legal Officer Atty. Ivyrose B. Paz, Libungan Service Center CDO III Engr. Roy Rangaban, IP Affairs Focal person Lito Palma at iba pang kawani ng NCIP.