Labis na ikinaalarma ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda ang pagkakapasok ng $1.02 billion cash sa bansa mula noong nakaraang taon hanggang ngayong 2020.
Sa panayam kay Salceda, sinabi nitong “tip of the iceberg” lamang ang isiniwalat ni Sen. Richard Gordon na $160 million mula China noong Disyembre 2019 hanggang noong Pebrero ng taong kasalukuyan.
“Base po sa mga reports namin, mayroon po akong nakita na on top of the $160 million, or bago nangyan, mayroong $840 million na dumaan last year through Customs through the airports,” ani Salceda.
Sa impormasyong hawak ni Salceda, hindi lamang nanggaling sa China ang peranna ito pero tumanggi nang idetalye ang buong impormasyon ukol dito.
Ayon kay Salceda, “complacent o relaxed” masyado ang sinusunod na protocols ng Bureau of Customs kaya nakakapuslit sa bansa ang ganito kalaking halaga cold cash.
“Ito po ay dumaan sa Customs na pure cold cash Dahil hindi man lang wala silang karapatan, they have no power to confiscate dahil dineclare naman,”dagdag pa nito.
Dahil sa may implikasyon ito sa seguridad sa bansa, magsasagawa bukas ang komite ng executive session upang matalakay ang usapin na ito.
Kabilang sa mga pinatawag ay mga kinatawan mula sa Bureau of Customs, Bangko Sentral ng Pilipinas, National Intelligence Coordinating Agency at Board of Investments.