MANILA – Inamin ni Vaccine czar Carlito Galvez na madadagdagan pa ng 1.4-million doses ang supply ng Pilipinas sa coronavirus vaccines na gawa ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac.
“Mayroon nang parating, na-procure na 1-million (doses) na darating sa March 21; and with the generosity of the Chinese government, another 400,000 (doses) will be given to us,” ani Galvez.
Noong nakaraang Linggo nang unang dumating sa bansa ang 600,000 doses na donasyon ng Chinese government.
Sa ngayon matagumpay na raw na nai-deliver ang unang 331,000 doses sa lahat ng regional offices ng Department of Health (DOH) sa buong bansa.
Nakatakda namang ipamahagi ang natitirang doses kapag sinimulan na ang pagbabakuna para sa second dose.
“Yung dito sa Metro Manila, yung Sinovac na first dose, almost deployed at consumated na. Yung next nila is yung second dose.”
“Nakita natin na mabilis yung rollout kasi once dumating sa kanila (hospitals), kinabukasan nagro-rollout agad sila. So I don’t think there’s no confusion.”
Sa ilalim ng rekomendasyon ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), ibibigay ang ikalawang dose ng Sinovac vaccine matapos ang apat na linggo.
Ayon kay Galvez, pumapalo na ng hanggang 15,000 doses ng bakuna kada araw ang naro-rolyo ng gobyerno sa higit 100 ospital.
Target ng pamahalaan na maturukan ang nasa 1.7-million healthcare workers, na pinaka-una sa priority list ng National Vaccination and Deployment Plan for COVID-19 vaccines.
Para magawa ito, kakailanganin daw ng 4-million doses ng bakuna para pa lang sa hanay ng medical frontliners.
Ngayong gabi may nakatakda pang dumating na 38,700 doses ng AstraZeneca vaccines na mula sa COVAX facility ng World Health Organization.