-- Advertisements --

Umabot na sa halos 42 million Pilipino ang nakapagrehistro sa makabagong Philippine Identification System (PhilSys) para sa National ID ayon kay NAtional Economic Development Authority (NEDA) Sec. Karl Chua.

Iniulat ni Chua sa public briefing ng Pangulong Duterte na as of September 3, nasa kabuuang 41,970,083 na ang nakarehistro para sa Step 1 o ang pangongolekta ng basic information mula sa mga low income households at schedule appointment para sa Step 2.

Nasa kabuuang mahigit 28.6 million Pilipino naman na ang nakakompleto sa Step 2 registration kung saan kailangan na personal na magtungo ng applicants sa registration centers at magbigay ng biometric information.

Sa kasalukuyan ayon kay Chua nasa 1.5 million Pilipino na ang nakatanggap ng kanilang National ID.

Target ng pamahalaan na makapag-isyu ng National ID ng nasa 50 hanggang 70 million indibidwal sa katapusan ng taon.

Ayon kay Chua, maari ring gamitin ang National ID sa pagrerehistro para sa COVID-19 vaccination at sign up ng bank accounts na malaking tulong para mas mapadali ang transaksyon sa pamamahagi ng cash aid ngayong panahon ng pandemiya.