-- Advertisements --

Lusot na sa US Senate ang $1.9-trillion coronavirus relief package na isa sa mga itinuturing na top legislative priority ni President Joe Biden.

Sa botong 50-49 ay nakapasa sa Senado ng Amerika ang relief plan sa kabila ng pagkontra ng lahat ng mga senador ng Republican Party.

Inaasahan naman na sa susunod na linggo ay aaprubahan na rin ng US House of Representatives ang naturang panukala.

Inilarawan ni Biden ang botohan sa Senado bilang “one more giant step forward” sa pangako nitong tulungan ang mga mamamayan ng Amerika na naapektuhan ng coronavirus pandemic.

Ang itinuturing na pinakamalalang public health crisis sa Amerika sa loob ng isang siglo ay nag-iwan na ng mahigit 500,000 kataong patay at 29-milyong infected ng virus.

Layon ng relief package – na ikatlo na sa Estados Unidos mula nang magsimula ang pandemya – ay naglalayong magbigay ng one-off payments na nagkakahalaga ng $1,400 sa karamihan ng mga Amerikano.

Pero giit ng mga Republicans, masyado raw mahal ang nasabing plano.

May ilan ding Democrats ang pumuna sa ilan sa mga probisyon ng panukala, kaya napilitan ang liderato ng partido na gumawa ng ilang kompromiso.

“It obviously wasn’t easy. It wasn’t always pretty. But it was so desperately needed, urgently needed,” giit ni Biden. (BBC)