-- Advertisements --

NAGA CITY – Sugatan ang isang babae matapos na mabangga ng isang ambulansya sa tapat ng isang mall sa Naga City.

Kinilala ang biktima na si Regina Baldovino, 41-anyos, residente ng Barangay Abella sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office, napag-alaman na habang tumatawid ang biktima sa pedestrian lane ng aksidente itong mabangga ng isang ambulansya na minamaneho naman ni Rogel Sumayao, 33-anyos, residente ng Caroroyan, Pili sa nasabing lugar.

Sinubukan pa umanong iwasan ng ambulansya si Baldovino ngunit nahagip pa rin ito nang nasabing behikulo.

Dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medical.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang driver ng Ambulansya na naka-rehistro sa Camarines Sur Provincial Government sa istasyon ng Pulis kasama ang asawa ng biktima upang pag-usapan ang posibleng pag-areglahon sa nasabing insidente.