Lagpas na sa 700 ang bilang ng mga biktima ng paputok sa nakalipas na Christmas at New year holiday.
Sa pinakabagong datos ng Department of Health (DOH) ngayong Biyernes, Enero 3, 2025, pumalo na sa 704 ang kabuuang kaso matapos madagdagan ng 112 ang mga naireport na naputukan noong bisperas ng bagong taon, 54 ang nadagdag noong mismong bagong taon at 4 naman sa mga nakalipas na araw.
Sa kasamaang palad, may isang bagong nasawi na isang 44 anyos na lalaki matapos magtamo ng sugat sa ulo makaraang magsindi ng triangle. Bunsod nito, pumalo na sa kabuuang 2 ang nasawi dahil sa paputok.
Ayon sa DOH, ang kwitis at boga pa rin ang nananatiling nangungunang sanhi ng mga firecracker-related injuries.
Kabilang sa mga natamong injury ng mga biktima ng paputok ay pagkasunog ng balat at malubhang kaso ng amputation o pagkaputol ng bahagi ng katawan.
Nanatili rin na mga kabataan at menor de edad ang mga pangunahing biktima ng mga paputok.
Sa paulit-ulit na paalala ng DOH, mangyaring magpakonsulta sa ospital o doktor kapag nagtamo ng sugat mula sa paputok kahit na maliit lamang para maiwasan ang tetano. Gayundin sakali mang may mga natirang paputok na hindi pumutok sa kalsada, basain ito at huwag ng pulutin at linisin ang paligid para siguradong walang matirang paputok o pulbura nito.