-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Isinailalim sa state of calamity ang isang barangay sa Banga, South Cotabato na lubos na naapektuhan ng malawakang baha at landslide dulot ng sunod-sunod na pagbuhos ng malakas na ulan.

Ayon kay Banga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Joseph Franco, nasa sampung barangay sa kanilang bayan ang tinamaan ng kalamidad kung saan nasa P4.1Milyon na ang pinsalang iniwan sa mga pananim at imprastraktura sanhi ng mga pagbaha at landslide dulot ng Low Pressure Area o LPA sa Banga, South Cotabato noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Franco, ang Barangay ElNoknok sa kanilang bayan ang lubos na apektado kaya’t nagdeklara ng state of calamity habang nasa siyam na mga barangay pa ang nasalanta rin kung saan nasa 276 na pamilya ang apektado.

Maliban dito, may mga bahay din na nasira ,38 ektarya ng aqua farm o palaisdaan at 15 ektaryang palayan.

Nakatanggao na umano ng tulong mula sa local government ng Banga, provincial government ng South Cotabato at DSWD 12 ang mga apektadong pamilya ngunit patuloy pa rin ang monitoring sa posibilidad na bumuhos na naman ang malakas na ulan.