-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Lubos ang tuwa ng mga residente ng Brgy. Osias bayan ng Kabacan, Cotabato matapos na ang kanilang barangay ang napiling unang suyurin ng lokal na pamahalaan kaugnay na rin sa panawagan ng DOH na ipagpatuloy ang pagbibigay ng bakuna sa mga kabataan.

Ayon kay MHO Dr. Sofronio Edu, Jr. mayroong kabuuang 440 na indibidwal, bata at 18 pataas ang naserbisyuhan ng nasabing aktibidad.

Mula sa bilang, mayroong 178 na mga batang tumanggap ng mga bakuna tulad ng Hepatitis B, Pentavalent, OPV, IPV, PCV, at MMR o Mumps, Measles, Rubella, at Human Papiloma virus naman para sa mga babae.

Habang nasa 262 naman ang tumangkilik sa panawagang magpabakuna kontra sa COVID-19.

Mula sa bilang na ito, 256 ang tumanggap ng first dose ng Sinovac at Pfizer habang 6 naman ang tumanggap ng second dose.

Kaugnay nito, nagpaabot ng pasasalamat si Kabacan Mayor Herlo Guzman, Jr. sa mga residente ng Osias sa pagtangkilik.

Ipinabot din nito ang kanyang pasasalamat sa mga magulang na naglaan ng oras para masamahan ang kanilang mga anak para sa bakuna.

Nagpasalamat din ang alkalde sa pamunuan ng Methodist Church ng Brgy. Osias sa pagbubukas ng kanilang pinto upang maging venue ng COVID-19 vaccination.

Siniguro ni Mayor Guzman na hindi ito ang huling pagbibigay ng bakuna.