Nasa isang batalyon o 500 sundalo ang idedeploy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force-Natonal Capital Region (JTF-NCR) sa Traslacion ng Nazareno sa darating na January 9.
Ito ang kinumpirma ng bagong talagang JTF-NCR Commander B/Gen. Allan Arrojado.
Sinabi ni Arrojado na “in-place” na ang kanilang security measures bilang suporta sa tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Aniya ang mga sundalo ay magsisilbi lamang na augmentation force dahil ang PNP ang siyang lead agency sa pagbibigay ng seguridad.
Routine na rin aniya sa panig ng militar na suportahan ang PNP sa pagbibigay ng seguridad upang maging mas maayos at mapayapa ang Traslacion ng Nazareno.
Inihayag pa nito na wala silang namomonitor na anumang banta sa seguridad sa pista ng Itim na Nazareno.
Ngayong araw pormal na nag-assume bilang JTF-NCR commander si Arrojado na dating commander din ng Joint Task Force Sulu.
Mismong si AFP chief of staff Gen. Rey Leonardo Guerrero ang nanguna sa turnover command na isinagawa ngayong araw sa headquarters ng JTF-NCR.