-- Advertisements --

NAGA CITY – Itinanghal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol ang Sagnay bilang Most Oustanding Coastal Community sa buong rehiyon.

Nabatid na nakilahok ang LGU-Sagñay sa National Search ng BFAR sa ilalim ng Malinis at Masaganang Karagatan 2021 kung saan itinanghal ang nasabing bayan bilang Regional winner.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Sagñay Mayor Jovi Fuentebella, sinabi nito na hindi nila akalain na sila ang mananalo sa naturang kompetisyon kung kaya malaking karangalan ito para sa kanila.

Ayon pa sa alkalde, isa kasi talaga sa prayoridad ng kanilang lokal na pamahalan ay ang maisaayos ang coastal resource management ng bayan para mapalago ang buhay ng mga mangingisda.

Dagdag pa dito, pinapairal din umano nila ang adbokasiya ng LGU na mapangalagaan ang tao at yamang-dagat gayundin mabawasan ang mga iligal na aktibidad sa karagatan at magakaroon ng tamang management ng basura.

Kaugnay nito, ang naiuwing cash prize ng bayan ng Sagñay na nagkakahalaga ng P2 milyon ay maaaring ilaan para sa pag-identify ng benepisyaryo para mas lalo pang lumago ang kanilang programa.

Samantala, sa naturang search pumwesto sa 2nd place rin ang LGU-Tinambac, 3rd-place ang Mercedes Camarines Norte, 4th Place ang LGU-San Jose habang 5th place naman ang LGU Batuan, Masbate.

Sa ngayon, ang bayan ng Sagñay ang pambato ng Bicol sa National Evaluation at kung palarin ay maaaring maiuwi nito ang P30 milyon worth of fisheries project.