-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot na sa labing pitong barangay sa bayan ng Surallah, South Cotabato ang apektado ng flash flood at landslide dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan kaya’t isinaalang-alang na ngayon ang pagsasailalim sa state of calamity sa nabanggit na bayan.

Ito ang inihayag ni MDRRMO Leonard Ballon sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Ballon, isa na rin ang nasawi matapos na inanod ng rumaragasang tubig baha habang nangunguha ng isda sa ilog na kinilalang si Valiente,18 anyos, isang Senior High School student at residente ng Sitio Datalalo, Barangay Upper Sepaka, Surallah, South Cotabato.

Dahil sa lakas ng volume ng tubig-baha umapaw ang ilog at sinalanta ang mga kabahayan na malapit dito kung saan marami ang nasira, may mga inanod pa na mga hayop, sinira na mga pananim at maraming daan na nawasak.

Maliban sabaha, nasa mahigit 10 bahay din ang giniba ng landslide sa Sitio Datal Lapi habang hindi naman passable sa ngayon ang daan paakyat ng Sitio Kiantay at Datal lawa matapos na nasira ang daan.

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang assessment sa kabuuang pinsala na iniwan ng kalamidad sa nabanggit na bayan.

Samantala, nanawagan naman si Ballon sa mga residente na nakatira sa mga flash flood at landslide prone areas na maging vigilante at mag-ingat upang maiwasan ang dagdag na casualties sakaling muling bumuhos ang malakas na ulan.