CENTRAL MINDANAO-Bagong taon at nais nang magbagong buhay ng isang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sumuko sa militar sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang rebelde na si alyas Seok Panday,tauhan ni Kumander Kagui Karialan ng BIFF Karialan faction.
Sumuko si Panday sa tropa ng 34th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Edgardo Vilchez Jr sa Barangay Salunayan Midsayap Cotabato.
Dala sa pagsuko ng rebelde ang isang M16 Armalite rifle, mga bala at magasin.
Si alyas Seok Panday ay i-prenisenta ng 34th IB kay Midsayap Mayor Romeo Araña kung saan tumanggap ito ng inisyal na tulong mula sa LGU.
Nagpasalamat naman si Colonel Vilchez sa PNP-Midsayap at LGU sa tulong nito sa mapayapang pagsuko ng rebelde.
Nanawagan si Vilchez sa ibang BIFF na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.