-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nagkasagupa ang militar at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa probinsya ng Cotabato.

Ayon kay Midsayap Chief of Police,Lieutenant Colonel Benito Rutia na nagpatupad ng Law Enforcement Operation ang tropa ng 34th Infantry Battalion Philippine Army laban kay Kumander Madrox Samad ng BIFF sa Brgy Nabalawag Midsayap North Cotabato.

Papasok pa lamang ang militar malapit sa tahanan ni Madrox ay pinaputukan na ito ng mga rebelde.

Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Nagdulot ito ng takot sa mga sibilyan kaya lumikas ito patungo sa ligtas na lugar.

Agad namang umatras ang mga terorista nang matunugan nito ang paparating na karagdagang pwersa ng militar.

Isang myembro ng BIFF ang nasawi at nakuha sa kanyang posisyon ang isang M14 rifle at mga bala.

Sugatan rin ang isang sundalo sa engkwentro pati na si Kumander Madrox.

Sa ngayon ay nasa depensive position lamang ang militar ngunit nananatiling alerto sa posibling sorprisang pananalakay ng BIFF.