CENTRAL MINDANAO – Isa ang nasawi at apat ang nahuli sa mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa engkwentro ng militar sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang binawian ng buhay na si Tho Tayuan, residente ng Brgy Dado, Datu Piang, Maguindanao.
Ayon kay 602nd Brigade chief, Brig. Gen. Roberto Capulong na nakasagupa ng tropa ng 34th Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Glenn Caballero ang grupo ni Kumander OB-10 ng BIFF Kumander Bungos faction sa Brgy Lumupog, Midsayap, North Cotabato.
Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng bala sa panig ng militar at mga rebelde.
Umatras ang grupo ni Kumander OB-10 nang dumating ang karagdagang pwersa ng mga sundalo.
Narekober ng 34th IB ang isang hindi kilalang bangkay ng BIFF at nakuha sa kanyang posisyon ang isang AK-47 rifle, isang M16 armalite rifle, mga bala, subversive documents with high intelligence value, cellphones at mga personal na kagamitan ng mga terorista.
Sa follow-up operation ng 34th IB, apat pa na mga rebelde ang nahuli, isa ang sugatan na nakilalang si Maguinale Nawal na nahuli sa quarantine checkpoint sa Brgy Olandang, Midsayap, Cotabato.
Ang sugatang BIFF ay dinala sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City.
Kinompirma ni Gen. Capulong na ang grupo ni Kumander OB-10 ay sangkot sa pambobomba sa iba’t ibang lugar sa Central Mindanao.
Pinuri naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief, Maj. Gen. Diosdado Carreon ang 34th IB sa matagumpay nilang operasyon kontra BIFF.