-- Advertisements --

NAGA CITY – Nagpapatuloy ngayon ang hot pursuit operation ng militar upang matukoy ang posibleng pinagdalhan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga dinukot na sibilyan at isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Brgy. Malo, Bansud, Oriental Mindoro.

Kinilala ang umano’y mga dinukot na sina Barangay Malo Chairman Peter Delos Santos, Louie Medinilla, Ricky Capillo at CAA Reymond Malupa.

Sa impormasyon na ipinaabot ni 2nd Infantry Division (ID) Public Affairs Office chief Cpt. Patrick Jay Retumban, nitong umaga ng Sabado nang pakawalan ang tatlong sibilyan habang naiwan sa mga kamay ng mga rebelde ang CAFGU na si Malupa.

Noong Biyernes nang puwersahan umanong kinuha sa kani-kanilang bahay ang mga biktima ng hindi bababa sa 10 rebeldeng NPA.

Isa sa mga tinitingnang motibo sa pagdukot sa nasabing mga indibidwal ay ang umano’y hindi pagsuporta sa rebeldeng grupo.