KALIBO, Aklan — Himalang nakaligtas ang isang buwang sanggol na lalaki matapos mahulog sa sinasakyang motorsiklo habang kalung-kalong ng kanyang ina sa national highway na sakop ng Barangay Linabuan Sur, Banga, Aklan.
Base sa inisyal na imbestigasyon, sakay sa motorsiklo ang 16-anyos na ina ng sanggol at pauwi na sana sa kanilang bahay sa Barangay Venturanza sa naturang bayan mula sa Barangay Andagao, Kalibo.
Pagdating sa nasabing lugar, sumabit sa rayos ng gulong ng motorsiklo ang lampin na nakabalot sa sanggol.
Dahil dito, nahulog ang bata at maswerteng walang masyadong dumadaan na sasakyan.
Kasalukuyang inoobserbahan ang sanggol sa Intensive Care Unit (ICU) ng Aklan Provincial Hospital sa kabila na nagtamo lamang ito ng galos sa kanyang siko.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.