-- Advertisements --
Kaliwa’t kanan ang pagdatingan ng mga taong nais dumalaw sa namayapang si dating Pangulong “Noynoy” Aquino sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.
Ito’y isang araw matapos maihatid sa kanyang huling hantungan ang pang-15 pangulo ng bansa katabi ng puntod ng mga magulang nito na sina dating Sen. Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino.
Pawang nakasuot naman ng face mask ang mga nakapila, ngunit ang ilan ay kapansin-pansin na hindi na naka-face shield.
Tila hindi rin pinapalampas ng mga bumibisita na magpakuha ng larawan sa puntod nina Ninoy, Cory at Noynoy.
Napapaligiran pa rin ng mga bulaklak na kulay dilaw at puti ang puntod.
Nitong June 24 nang sumakabilang-buhay si P-Noy sa edad na 61 dahil sa renal disease secondary to diabetes.