-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Aabot lamang sa 2,000 turista ang papayagang makapasok sa Boracay sa nakatakdang re-opening bukas Oktubre 1.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, ito ay dahil sa 50% lamang ang kapasidad ng mga hotel at resort ang maaaring makatanggap ng mga bisita.

Maximum o sagad na rin sa dalawang guests bawat silid ang pinapayagan.

Sa ngayon aniya, umaabot sa 382 bars at restaurant ang nabigyan na ng Certificate of Authority to Operate para sa mga turista mula sa buong bansa na nasa general community quarantine at modified general community quaratine.

Habang 200 hotels and resorts na may 4,416 rooms ang pinayagang magbukas mula pa noong Hunyo 16.

Mayroon namang 200 bookings para sa buwan ng Oktubre.

Samantala, inihayag ni P/Staff Sgt. Jane Vega, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, na “all systems go” na ang kanilang kapulisan gayundin ang kanilang counterpart sakaling mangangailangan ng augmentation force.

Kasado na rin aniya ang paghahanda ng Philippine Army, quick response team ng iba’t ibang municipal police stations, at iba pang law enforcement agencies.

Una rito, nagsagawa ang pulisya ng simulation exercises upang lalo pang mapaghandaan ang mga posibleng insidente na mangyayari kabilang na ang pamamaril, bomb threat at pasyenteng nakatakas sa quarantine facility na nangyari sa isla.