-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Handang-handa na ang Police Regional Office (PRO)-6, isang araw bago ang soft re-opening ng Boracay makalipas ang ilang buwan na pamamahinga ng isla dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Boracay Airport own photo

Sa isang panayam, sinabi ni PRO-6 director B/Gen. Rene Pamuspusan, plantsado na ang seguridad para sa inaasahang pagsidatingan ng mga lokal na turista kasabay ang istriktong implementasyon ng health protocols at guidelines na inilatag ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF).

Una rito, sa assessment ng BIATF na pinangunahan nina Environment Secretary Roy Cimatu, Interior and Local Government Secetary Eduardo Año at Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa ginanap na dry run ng lokal na pamahalaan ng Malay ay pinayagan nang buksan muli ang Boracay.

Gayunpaman, kailangan na taga-Western Visayas muna ang puwedeng makatawid sa isla na kinabibilangan ng mga residente ng Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Bacolod.

Maliban dito, mahigpit na ipapatupad ang “no booking, no entry policy” upang malimitahan sa 50% ang tourist arrival.

Sa kasalukuyan, 98 beach guards ang naka-standby sa front beach at 300 police personnel ang nakadeploy sa buong isla upang mag-secure ng kapayapaan at kaayusan sa gitna ng pakikipaglaban sa pandemya.

Samantala, inaasahan ng Aklan provincial government na mapunan ang nasa P12 bilyon na lugi nila sa ekonomiya partikular sa industriya ng turismo.

Nabatid na nasa P47 bilyon naman ang lugi sa mga negosyo na nagdulot ng kawalan ng trabaho sa mga empleyado kasunod ng pagsara ng mga establishment.

Sa muling pagbukas ng Boracay ay hinikayat ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang mga accommodation establishments na magsumite ng letter of intent to operate.

Kaugnay nito, hanggang noong araw ng Huwebes ay 90 letters of intent pa lamang ang natanggap ng lokal na pamahalaan ng Malay mula sa kabuuang 390 accredited establishments na mayroon sa isla.

Una rito, iginiit ng alkalde na mahigpit na ipapatupad ang minimum health protocols gaya ng mandatory na pagsuot ng face mask, pag-obserba ng physical at social distancing gayundin ang proper hygiene para makaiwas sa nakakamatay na sakit.