BACOLOD CITY – Pag-eensayo pa rin ang pinagkakaabalahan ng pole vaulter na si Ernest John ”EJ” Obiena at Pinay boxing champion Nesthy Petecio matapos magbulsa ng mga gold medal sa 2019 South East Asian (SEA) Games.
Sa panayam ng Star FM Bacolod kay EJ Obiena, sinabi niyang bumalik agad siya ng Italy matapos malagpasan ang 5.20 meters na nakuha ng katunggali mula sa Thailand at maabot ang 5.45 meters sa men’s pole vault ng SEA Games.
Wala aniyang oras ang dapat maaksaya kung saan mas naghahanda pa siya bilang kauna-unahang Pinoy na na-qualify sa 2020 Tokyo Olympics.
”I’m back here in Italy to prepare for the upcoming games. All the trainings that I’ve been doing is leading up to Tokyo. I’m happy with what I’ve did sa SEA Games. I’m happy that I’ve won to be honest that’s the gold. Starting the campaign for SEA Games I didn’t really have fight on my mind, it’s just to win it. And 5.20 was able to win it and anything over that was just a bonus from God,” ani Obiena.
Pagbabahagi naman ng Aiba Women’s World Boxing 2019 champion, kasunod ng kanyang panalo laban kay Nwe Ni Oo ng Myanmar sa women’s boxing featherweight division ay hindi siya makakauwi sa pamilya niya Davao ngayong Pasko.
Ayon kay Petecio, nagsimula na kasi ang kanyang training para sa 2020 Olympics kung saan binigyan lamang siya ng isang linggong pahinga matapos ang 2019 SEA Games na ginanap sa Pilipinas.
”Sa ngayon wala po akong bakasyon, walang Christmas vacation also. Kung baga preparation po talaga sa Olympic qualifying para next year. Pero okay lang po sabi ko naman po sa family ko na if ever na hindi ako makauwi, mga kapatid ko nalang uuwi kasi kahit ako ayaw ko din umuwi kasi gusto ko mag focus din sa Olympics po.,” saad ni Nesthy.