-- Advertisements --

VIGAN CITY – Binigyang-diin ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ang solusyon sa isyu ng paglaganap ng vote buying tuwing halalan ay nasa kamay ng mga botante.

Ito’y matapos na maglabasan ang mga balita na talamak na umano ang pagbili ng mga kandidato sa mga boto ng publiko, bago pa man ang halalan bukas, May 13.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni DILG spokesman Undersecretary Jonathan Malaya na nasa kamay ng mga botante ang solusyon hinggil sa isyu sa pamamagitan ng hindi nila pagpayag na mabili ang kanilang boto na maaaring maging susi sa pagbabagong kanilang nais para sa bansa.

Aniya, kung magiging alerto at agad na magsusumbong ang mga botante sa mga iligal na ginagawa ng mga kandidato ay tiyak na matatakot ang mga ito na ituloy ang kanilang masamang plano.

Tiniyak naman nito na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng posibleng paraan upang mapuksa ang vote buying na tinawag nitong paninira sa demokrasya ng bansa.

Sinabi nito na ngayon ay nagsanib-puwersa na ang Commission on Elections, DILG, Philippine National Police, at National Bureau of Investigation, upang imbestigahan at parusahan ang mga politikong mapapatunayang guilty sa vote buying.

Gayunman, hindi rin aniya sila magtatagumpay kung walang suporta ang mga botante.