May isang indibidwal ang kasalukuyang pinaghahanap matapos mapaulat na nawawala matapos ang pananalasa ng nagdaang bagyong Marce ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Base din sa nakalap na report ng ahensiya, may isang indibidwal ang nasugatan sa kalamidad. Kapwa mula sa Region 1 ang indibidwal na nawawala at nasugatan at isinasailalim na sa validation.
Samantala, pumalo na sa mahigit 21,000 pamilya ang naapektuhan ng nagdaang bagyo kung saan mahigit 8,000 dito ay nananatili pa rin sa mga evacuation center at may mahigit 3,000 pamilya ang nakikitira pansamantala sa ibang mga lugar.
Ang mga apektadong pamilya ay mula sa Region 1, Region 2 at Cordillera Administrative Region.
Sa loob nga ng 5 araw na pananatili ng bagyong Marce sa bansa, nagdulot ito ng 3 insidente ng landslide o pagguho ng lupa sa parte ng Region 2.
Puminsala din ang bagyo ng kabuuang 273 kabahayan sa Region 1, 2 at CAR kung saan 6 ang totally damaged.
Dumanas din ng matinding pinsala ang probinsiya ng Cagayan matapos na mag-landfall ng 2 beses ang bagyong Marce doon na nagdulot ng malalakas na pag-ulan at hangin.
Nitong Biyernes nang tuluyan ng lumabas sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Marce.