-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagbanta ang National Bureau of Investigation (NBI) na seryoso ang kanilang tanggapan sa pagbibigay-parusa sa mga taong mapapatunayan na nagpapakalat ng fake news kaugnay ng coronavirus disease (COVID-19).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. Victor Lorenzo, hepe ng Cyber Crime Division ng NBI, sa ngayon isang suspek na ang nasampahan nila ng kaso matapos na mag-post sa social media na isang Chinese national umano ang namatay dahil sa coronavirus subalit fake news pala.

Ayon kay Lorenzo, nakipag-usap na ang ahensya sa suspek at pinagpaliwanag ito, subalit hindi nakumbinsi ang NBI kung kaya’t tuloy ang kaso.

Maliban dito, 27 katao pa ang binabantayan ngayon ng NBI at pinadalhan na ng subpoena matapos rin na magpakalat ng fake news.

Nagbanta naman ang opisyal na posibleng maharap ang mga naturang suspek sa kasong paglabag sa Article 154 o ang “Unlawful use of means of publication and unlawful utterances” at Republic Act 10175 o ang “Cybercrime Prevention Act of 2012”.

Binigyang diin ng opisyal na hindi biro ang pinagdadaanan ngayon ng komunidad dahil sa banta ng COVID-19 kung kaya’t hindi dapat nagpapakalat ng mga maling impormasyon patungkol dito.