CENTRAL MINDANAO-Umakyat na sa walo katao ang nasawi sa nangyaring hold-up at engkwentro sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay M’lang Chief of Police Lieutenant Colonel Realan Mamon na hinold-up ng walong suspek ang Regz and Kirks Bakeshop sa Barangay Bagontapay M’lang Cotabato.
May mga kostumer ang nagtangkang lumaban kaya pinagbabaril sila ng mga suspek.
Nang makuha ng mga holduppers ang pera,mga cellphone at koleksyon ng bakeshop ay agad silang tumakas.
Mabilis na nagresponde ang mga pulis at nang masukol ang mga suspek ay nanglaban sila kaya tumagal nang ilang minuto ang palitan ng putok sa magkabilang panig.
Anim sa mga suspek ang nasawi at isa naman sa mga kostumer ng bakeshop ang binawian ng buhay habang isa ang nasugatan.
Nasawi rin si Staff/Sgt Rudy Amihan at sugatan si Corporal Noli Labesores ng Mlang PNP sa kanilang pursuit operation laban sa mga magnanakaw.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng mga otoridad ang mga kasamahan ng anim na napatay sa engkwentro ng Mlang PNP.