DIMIAO, BOHOL – Binawian ng buhay ang isang lalaki matapos sumalpok ang sinasakyan nitong motorsiklo sa isang cargo truck kahapon, Marso 4, sa bayan ng Dimiao Bohol.
Nakilala ang biktima na si Richard Rangas, 35 anyos, isang kolektor at residente ng Brgy Odiong sa bayan ng Jagna.
Sa ekskusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Police Master Sergeant Boy Lapore, sinabi nitong patungo sa lungsod ng Tagbilaran ang biktima at posibleng nakatulog ito nang mangyari ang aksidente.
Sa kuhang CCTV footage, makikitang mabilis ang pagpapatakbo ng motorsiklo ni Rangas at lumipat na sa kabilang lane kaya bumangga ito sa nakasalubong na cargo truck na may kargang container van.
Dahil sa lakas ng impact, wasak ang sinasakyan nitong motorsiklo matapos sumalpok sa harapang bahagi ng truck.
Sinabi pa ni Lapore na naisugod pa ang biktima sa pagamutan ngunit kalaunan ay binawian ng buhay dahil sa natamong pinsala sa katawan nito.
Aniya, hindi rin naman umano lasing ang biktima at hindi rin naman nawalan ng preno ang sinakyan nitong motorsiklo.
Samantala, nagkaroon na umano ng settlement ang hindi na pinangalanang driver ng cargo truck at ang pamilya ng nasawi at nagpaabot rin umano ito ng tulong.
Panawagan pa nito sa mga motorista na laging mag-ingat hindi lang para sa sarili kundi maging para na rin sa kaligtasan ng iba.