Pinangangambahan ngayon na nasa isang milyong mga batang Nigerians ang hindi makakapag-aral ngayong taon sa gitna ng tumataas na insidente ng mass kidnappings sa mga paaralan.
Ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) representative sa Nigeria Peter Hawkins, maraming mga estudyante sa naturang bansa ang napilitang huminto sa pag-aaral dahil sa takot ng kanilang pamilya at komunidad sa banta ng pag-atake sa mga paaralan at pagkidnap sa mga bata.
Maliban sa banta ng COVID-19, isinara din ang mga paaralan sa Nigeria dahil sa banta sa seguridad ng mga bata.
Naging target ng mga armadong grupo ang mga eskwelahan kung saan ilang mass abduction ang naiulat sa northern Nigeria kapalit ng ransom.
Ang jihadist group na Boko Haram ang unang grupo na nasa likod ng ilang serye ng kidnapping sa Nigeria na kalaunan ginaya ang taktikang ito ng mga criminal gangs.
Ayon sa UNICEF, sa 20 insidente ng pag-atake sa mga eskwelahan na naitala ngayong taon, mahigit 1,400 mga mag-aaral ang biktima ng kidnapping at may 16 na estudyante ang napaulat na pinatay habang nasa mahigit 200 ang nawawala pa rin hanggang ngayon.