Inihahanda na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang recovery plan para sa mga manggagawa bilang bahagi ng mga hakbang sa papasukin ng bansa na “new normal.”
Ayon kay DOLE Sec. Silvestre Bello III, kasama nila ang Department of Trade and Industry sa nakatakdang pagpapalabas ng joint guidelines.
Ang pahayag ni Bello ay kasabay nang selebrasyon ng Araw ng Manggagawa nitong Mayo 1.
Kinumpirma ni Bello na kabilang sa kanilang pinaghahandaang package of benefits ay ang pagbuo ng bagong isang milyong trabaho sa mga probinsiya sa mga darating na tatlong buwan.
Muli raw nilang pasisiglahin ang “balik-probinsiya” sa pagtatapos ng COVID pandemic.
Nandyan din daw ang three-month wage subsidy lalo na sa mga manggagawa sa micro and small-scale enterprises, ang mga nasa “gig” economy at mass media.
“Also, we are deep into the details of a recovery plan post-COVID for the generation of a fresh one million jobs in the provinces for our workers in the coming months. This is part of a package that also includes a three-month wage subsidy to workers in micro and small-scale enterprises, including those in the “gig” economy and members of the mass media,” ani Bello.
Liban nito, tuloy din ang pagpapaibayo sa programa ng DOLE na “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers” (TUPAD).
Una nang iniulat ni Presidential Spokesman Harry Roque na nakatakdang mag-anunsiyo ng recovery plan ang pamahalaan ngayong araw.
Kasabay nito, nanawagan din si Roque sa mga militanteng grupo na iukol na lamang sa online protest ang gawin ng mga ito sa halip na magmartsa dahil sa panganib sa deadly virus.