Binabalak ng Philippine Red Cross (PRC) na maturukan ng bakuna laban sa COVID-19 ang 1-milyong Pilipino.
Ayon kay PRC chairman at Sen. Richard Gordon, noong nakalipas na taon ay 1-milyong Pilipino rin ang kanilang nabakunahan laban sa tigdas at polio.
Sa ngayon, inilahad ni Gordon na kasalukuyan na raw nitong tinatalakay ang naturang ideya kasama ang kanyang mga staff at mga doktor sa PRC.
Gayunman, inamin ni Gordon na balakid sa naturang posibilidad ang hindi pa pagbabayad ng Philippine Health Insurance Corporation’s (PhilHealth) ng kanilang milyun-milyong utang para sa COVID-19 testing.
Bagama’t kaya naman daw ng Pilipinas na makakuha ng tulong sa ibang international Red Cross societies, inihayag ng mambabatas na baka pagtaasan ito ng kilay kaugnay pa rin sa isyu ng hindi pa naaayos na balanse ng PhilHealth.
Giit ng senador, dapat tiyakin ng Department of Health ang sistematikong implementasyon ng immunization program laban sa COVID-19 dahil hindi lamang daw ito limitado sa distribusyon dahil kasama na rito ang pag-training ng personnel at wastong pag-iimbak ng mga bakuna.