Kakalap umano ng mahigit isang milyong mga pirma ang oposisyon sa United Kingdom (UK) bilang bahagi ng kanilang petisyon matapos suspindehin ng limang linggo ang parliyamento.
Una rito, galit na galit ang mga members ng parliament (MPs) at ilang oposisyon nang suspindehin ni UK Prime Minister Boris Johnson ang parliyamento na inaprubahan naman ni Queen Elizabeth.
Layon daw kasi ng pagsuspinde muna sa parliyamento upang walang komontra sa pag-alis ng UK na may deal sa European Union pagsapit ng October 31.
Pero handa naman daw si Johnson na tanggapin kung sakaling walang Brexit deal basta maabot ito ang deadline target.
Ang kilalang Labour leader na si Jeremy Corbyn ay tiniyak na kanyang haharangin ang suspension ng parliament na ipapatupad na simula sa susunod na linggo.
Naasar naman ang House of Commons speaker na si John Bercow at tinawag na “constitutional outrage” ang kanilang pagkagalit sa hakbang ng Prime Minister.
Pero giit ng leader ng House na si Jacob Rees-Mogg, na kasama sa meeting sa Queen, tama lang daw na suspendihin ang parliyamento at magsisimula muli ng bagong sesyon.