-- Advertisements --
elephant

PARIS – Nagbabala ang mga eksperto at siyentipiko na nanganganib umanong maubos at mawala na sa balat ng lupa ang 1-milyon sa 8-milyong species ngayon sa planeta dahil sa kagagawan umano ng mga tao.

Batay sa report ng Intergovernmental Science-Policy Platform on Biodiversity and Ecosystem Services (IPBES), na isang komite sa United Nations (UN), lumampas na raw sa normal na antas ang global rate sa pagkawala ng mga uri ng hayop sa huling 10-milyong taon.

Pangunahin umano sa mga rason nito ang lumiliit na habitat o espasyong tahanan ng mga hayop, pang-aabuso sa likas na yaman, pagbabago sa klima at polusyon, na nagdadala rin ng bantang extinction sa mahigit 40% ng mga amphibians, 33% sa coral reefs, at ikatlo ng lahat ng mga marine mammals.

“The health of ecosystems on which we and all other species depend is deteriorating more rapidly than ever,” wika ni IPBES chair Sir Robert Watson.

Binigyang-diin naman ni Watson na kinakailangan na raw magkaroon ng isang “transformative change” upang isalba ang mundo.

“The report also tells us that it is not too late to make a difference, but only if we start now at every level from local to global,” ani Watson sa isang pahayag.

“By transformative change, we mean a fundamental, system-wide reorganization across technological, economic and social factors, including paradigms, goals and values.”

Ang nasabing report ay inilabas anim na buwan makaraang magbabala ang UN Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC) na mayroon na lamang halos 12 taon ang daigdig upang makaiwas sa mapaminsalang lebel ng global warming o pag-init ng mundo.

Umaasa rin ang mga may-akda ng naturang report na mabibigyang-pansin na ng buong mundo ang nabanggit na isyu. (CNN)