KORONADAL CITY – Patuloy na pinaghahanap sa ngayon ng search and rescue team ang isang indibidwal na natabunan ng gumuhong lupa dahil sa nangyaring landslide sa Purok Lamfugon, Norala, South Cotabato.
Ito ang inihayag ni Mayor Clemente Fedoc sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang missing na si Flore Saken, 30 anyos at residente ng nabanggit na lugar.
Ayon kay Mayor Fedoc, nangyari ang landslide kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan kung saan agad din na ipinatupad ng forced evacuation sa mga residente sa nasabing Sitio upang maiwasan ang karagdagang casualties o maging ligtas ang mga ito.
Sa ngayon, ang nasa higit 60 pamilya na lumikas ay pansamantalang nanuluyan sa Barangay Gymnasium.
Ipinasiguro naman ng alkalde na bibigyan ng tulong ang mga apektadong pamilya gaya ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga ito.
Tumulong na rin ang iba pang ahensiya ng gobyerno gaya ng PDRRMO-South Cotabato at Philippine Red Cross-South Cotabato Chapter.
Naniniwala naman ang opisyal na isa sa mga dahilan kung bakit nangyari ang landslide sa lugar ay ang patuloy na pagputol ng kahoy dahil ang pangunahing pangkabuhayan ng mga Indigenous People’s (IP) sa lugar ay pag-uuling.
Napag-alaman na nasa higit 3 ektaryang bundok ang apektado ng landslide kung saan nasa 40 feet ang huhukayin upang marekober o mahanap ang nawawalang residente sa lugar.