DAGUPAN CITY – Nasa 90 percent nang handa ang national karatedo team na kinabibilangan ng tatlong atleta mula sa lungsod ng Dagupan na sasabak sa 30th SEA Games.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Richard Lim, presidente ng Karate Pilipinas at competiton manager ng organizing committee ng SEA Games, sinabi nito na todo ensayo na ang mga Pinoy athletes na nagsanay pa sa ibang bansa.
Sina John Enrico Vasquez, Mark Andrew Manantan at Jayson Ramil Macaalay, pawang mga DagupeƱo ay determinadong makakuha ng gintong medalya sa SEAG sa larangan ng karate.
Sinabi pa ni Lim, kagagaling lamang mula sa pagsasanay ng dalawang buwan sa Japan nina Vasquez at Manantan habang pabalik na rin ng Maynila sa darating na Oktubre 30 si Macaalay kasama ang iba pang team na nagsanay pa sa Istanbul, Turkey sa loob ng dalawang buwan.
Samantala, naniniwala si Lim na malaki rin ang tiyansa ng mga Pinoy na makapasok sa Tokyo Olympics.
Sinabi ni Lim na pagkatapos ng SEA Games target nila ang Olimpiyada.
Malaking bagay aniya para sa mga atleta ang makakuha ng tamang exposure.
Nabatid na noong atleta pa si Lim, naging gold medalist din ito noong taong 1989 at 1991 SEA Games kung saan naging host ang Pilipinas.
Liban nito, nanalo rin siya sa 1994 Asian Games.