KALIBO, Aklan – Isinailalim na sa community quarantine ang buong Aklan dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga natamaan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Sa inilabas na Executive Order No. 019 series of 2020 ni Aklan Governor Florencio Miraflores, ipinag-utos nito ang class suspension sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong eskwelahan sa lalawigan simula ngayong Marso 16 hanggang Abril 15 ng kasalukuyang taon.
Sa isang press conference, sinabi ni Gov. Miraflores na layunin nito na malimitahan ang social interactions upang maiwasan ang pagkalat ng deadly virus.
Kaugnay nito, nasa 25,000 students ang maaapektuhan sa bayan ng Kalibo sa pagpapaliban ng klase sa loob ng isang buwan.
Ipinatupad din ang sea at air travel restrictions kung saan naka-hightened alert na ang mga kaukulang ahensya upang masiguro na masunod ang protocols ng provincial government.
Samantala, pinayuhan ni Gov. Miraflores ang mga mamamayan na huwag mag-panic buying dahil sapat ang supply ng pagkain at iba pang kakailanganin sa probinsya maliban na lamang sa alcohol at face mask.
Sa kasalukuyan ay isa na lamang ang person’s under investigation sa lalawigan habang nananatiling ligtas sa COVID-19 ang buong Aklan.