KORONADAL CITY – Isa na ang binawian ng buhay habang umabot naman sa apat na mga bayan sa North Cotabato ang sinalanta ng malawakang baha.
Ito ang kinumpirma ni Engr. Arnulfo Villaruz, chief of operations ng PDRRMO North Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Villaruz, nasa 14 na mga barangays na nasa gilid ng ilog mula sa mga bayan ng Pigcawayan, Alamada, Matalam at Kabacan ang pinasok ng tubig-baha.
Umabot naman sa ekta-ektaryang palayan ang sinira ng baha habang nasa halos 10 mga alagang hayop na baka at kalabaw ang inanod ng baha.
Naitala rin ang mga landslide sa ilang barangay sa Alamada ngunit wala namang naiulat na natabunan ng gumuhong lupa.
Samantala, agad naman na inilibing ang isang security guard na natagpuang patay sa Libungan river matapos na inanod ng tubig-baha ang guard house ng mga ito na nasa dam sa bahagi ng Barangay Pigcawaran, Alamada.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang damage assessment sa pinsalang dulot ng kalamidad sa nabanggit na mga bayan sa North Cotabato.