Nag-iwan ang bagyong Julian ng 8 kataong sugatan habang isa naman ang napaulat na nawawala sa northern Luzon.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) ngayong Miyerkules, iniulat ng ahensiya na ang nawawalang indibidwal ay isang 38 anyos na lalaki mula sa Barangay Cabcaborao sa bayan ng San Juan sa probinsiya ng Abra matapos na matangay ng malakas na agos ng tubig sa Tineg River.
Habang ang walong katao naman na sugatan ay sa Basco, Batanes na matinding binayo ng malalakas na hangin at ulan dala ng bagyo.
Ayon sa ahensiya, umaabot na sa mahigit 43,000 pamilya o mahigit 149,000 indibidwal ang apektado ng pananalasa ng bagyo sa Ilocos region, Cagayan valley at Cordillera region.
Mayroon ding 88 kabahayan ang nasira sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Cagayan, Abra, Benguet, Ifugao at Mountain Province.
Inaasahan naman na muling papasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility ngayong gabi ng Miyerkules.