Iniulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na may isang indibidwal ang umano’y nasawi sa Ilocos Region dahil sa Bagyong Henry.
Ito ay base sa inilabas na 8 a.m. situational report ng ahensiya, gayunpaman subject for validation pa rin ito.
Batay sa mga naunang report, walang naiulat na nasugatan o nawawalang mga indibidwal kahit na nakalabas na ang Bagyong Henry sa Philippine area of responsibility (PAR) madaling araw ng Linggo.
Gayunpaman, inilikas pa rin ang nasa 110 pamilya o 321 katao sa apat na barangay sa Ilocos Region dahil sa bagyo.
Dahil dito, may kabuuang 60 pamilyang lumikas o 149 indibidwal ang inilipat sa isang evacuation center sa rehiyon, habang 11 pamilyang lumikas o 30 indibidwal ang nananatili sa labas ng mga evacuation center.
Hindi bababa naman sa walong kalsada at isang tulay sa rehiyon ng Ilocos at Cordillera Administrative Region (CAR) ang hindi rin madaanan bunsod sa hagupit ni Henry.
Sinabi ng NDRRMC na hindi bababa sa P19,000 halaga ng tulong ang naibigay na sa Rehiyon ng Ilocos.
Samantala, 27 klase at siyam na work schedules ang suspendido sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at CAR dahil sa bagyo.