-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang sugatan naman ang isang sundalo sa nangyaring engkwentro sa Brgy. Gangao, bayan ng Baleno, Masbate.

Nabatid na nakasagupa ng Masbate Provincial Mobile Force Company (MPMFC), 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army at 96th Military Intelligence Company (MICO) ang humigit-kumulang 30 miyembro ng Larangan 1 Kilusang Probinsiya 4-Masbate na pinangunahan ni Jumar Tugbo alyas Nonoy Tugbo/Alyas Ka Bungkig.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay 9th Infantry Division spokesperson Col. Paul Regencia, nagsasagawa ng raid sa kampo ng NPA ang mga tropa ng pamahalaan kaugnay ng PNP Oplan 08/2019 “SUGOD” nang mangyari ang engkuwentro bandang alas-9:40 nitong Sabado ng umaga.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng namatay na rebelde at kung may mataas itong katungkulan sa organisasyon.

Agad namang itinakbo sa ospital ang hindi pa pinapangalanang sundalo na nasugatan sa insidente.

Dagdag pa ni Regencia, maliban sa naiwan na isang rebelde, narekober din sa pinangyarihan ang isang M16 na may mga bala, mga granada, molotov bomb, mga dokumento at personal belongings ng mga NPA.

Nagpapatuloy naman ang isinasagawang follow-up operation ng mga otoridad.